umaga. after shift ng graveyard. hinatid ko sa bacoor ang girlfrend kong si kim. at umuwi na ako pagkatapos magpaalam.
sa byahe, binabagtas ko ang east service road ng slex. malapit na sa c5 exit. sa may bandang pup taguig. hindi ko maintindihan kung bakit napakaraming nakalilitong mga kalye. dapat dalawa lang. northbound at southbound. pero hindi. marami ngayon. at kahit saang linya ako pumunta, mali ang napupuntahan ko. laging pasalubong. lilipat ako sa kanan, may kasalubong. preno. urong. lipat sa kaliwa. arangkada. may kasalubong. preno urong. lipat sa kanan. at sa kabilang kanan pa. paulit ulit. hanggang sa naiba na ang eksena.
parehong lugar pero nakasakay na ako sa bus. sa bandang isle ng tatluhang upuan. may katabi akong isang babae sa kaliwa na hindi ko maalala ang mukha. nakatulog ako sa bus. pagising gising maya't maya. mahaba ang byahe dahil sa traffic. paiba-iba ang nakasakay kada gising. hanggang sa makababa na ako sa c5. hindi mukang c5, pero c5 yon.
pagbaba ko, kinapa ko agad ang bulsa ko kagaya ng lagi kong ginagawa. susi, check. wallet, check. cellphone, wala. kabilang bulsa, wala. likod, wala pa rin. wala ang cellphone ko. naisip ko baka kako naiwan ko lang sa bahay ni kim sa bacoor. ok lang. hindi ako nagpanic. kelangan ko lang makauwi agad para makapaglogin sa laptop at maitanong sa kanya kung naiwan ko ba talaga. naglakad na ako.
habang naglalakad, naisip ko na dinukot ko pa pala ang cellphone ko sa bus at ginamit saglit. kumpirmado. nawawala ang cellphone ko. nalaglag? hindi ko alam. nadukot? malamang. tumakbo ako.
hindi ko alam kung bakit pero tindahan agad ang hinanap ko. naghahanap ako ng payphone. habang tumatakbo, kapa-kapa ko pa rin ang wallet ko. pasalamat pa rin na hindi ito nadamay. nakakapa ko ito sa kaliwang bulsa. medyo makapal ng hugis wallet at pakiramdam ng wallet. iyon nga ang wallet ko. nakakita na ako ng tindahan.
busy ang tindera, hindi ko maabala sa pagtatanong kung may payphone ba sya. kahit na kita ko nang may nakapatong na landline sa may maliit na bintana ng tindahan nya. sa di ko alam na dahilan, ang may-ari ng tindahan ay si ate lady guard sa opisina. yung kulot na magaling kumanta. nagbiro pa ako sakanya dahil mukang consruction site yung kadugtong ng tindahan nya. sabi ko "ayos, papagawa ng mansyon ah!". nginitian nya lang ako.
bumalik ako sa bintana ng tindahan para maghintay pa ulit sa paggamit ng payphone. at don ko nakita ang pinsan ng kaibigan ng kapatid ko. si delia. pero hindi nya ito muka. ibang tao. pero lumingon naman sya nung tinawag ko sya.
ako: delia!
"delia": hoy.
ako: andito ka rin pala. san ka dito?
may sinabi syang lugar na diko maalala. parang nag-aalaga daw sya ng bata kung san man.
ako: (dahil gusto kong siguraduhin na sya nga yun kasi iba ang mukha nya) sino ngang pinsan mo?
gusto kong marinig ang sagot nya na "si fish". pero iba ang narinig ko.
"delia": si lola.
hindi na ako sumagot. inisip ko na ibang tao nga yon. pero naisip ko rin kung bakit sya lumingon at sumagot nung tinawag ko sya. gusto ko sanang itanong kung sya ba talaga si delia. pero inip na inip na ako sa paghihintay ng payphone.
inangat ko ang handset. may nagsasalita. biglang tumayo si ate guard. may kausap pala sya sa extension.
ate guard: wag mo iangat. mamaya ka na.
umalis ako. lumipat ako sa katabing tindahan at nagtanong.
ako: may payphone kayo?
tindera: (umiling lang)
lumipat ako sa kabila pang tindahan. may tao, pero hindi na ako nagtanong.
nagmadali akong naglakad. nakarating sa kanto at nakitang may ilang taong nagkakagulo sa maliit na tindahan sa bangketa. lumapit ako. nakita ko dn si miggy ng chicosci. pumipili sya ng dvd na nakahanay sa bangketa.
ako: chavez! dvdx!
miggy: oy! pato! (kilala nya pa ako)
iniwan ko na sila don at patuloy na naglakad pauwi. patakbo. andon na ako sa may bandang vulcanizing shop. isang kanto na lang. kinapa ko ulit yung wallet ko sa kaliwang bulsa. andon pa. kinapa ko ang kanan, may laman na parang maninipis na papel. dinukot ko. pera. naisip ko, wala dapat akong pera sa kanang bulsa kasi hindi naman ako naglalagay ng pera don. pagdukot ko, may bente bente. may mga isandaan. may isang sanlibo. magulo pagkakatupi. iniisip ko bakit nasa kanang bulsa ang pera ko. baka naman dinukot ko ang wallet ko at nilipat ang mga buo sa kabilang bulsa. nilabas ko ang wallet mula sa kaliwang bulsa. tinanggal ang lock. andon pa yung pera ko, nakatupi lahat. pero bakit nadoble ang pera ko? hinugot  ko isa isa. at binuka sa pagkakatupi. putangena, walang imprenta ang likod. lahat sila harap ang ay imprenta. kinabahan na ako. damay din pala ang wallet ko. (actually, card holder pala to, hindi wallet). sinilip ko isa isa yung mga card ko. id. atm. credit card. lisensya. kumpleto. sinubukang kong bunutin yung credit card ko kasi yun lang naman ang agaran nilang mapapakinabangan don. paghugot ko, karton lang! pero parehas na parehas ang print. pati kulay. at karton na nga lahat ng laman ng card holder ko. naiiyak na ako. walang natira sakin. nagmadali na lang ako maglakad.
sa may kanto pagkaliko ko, narinig ko ang boses ng kapatid ko. pero hindi ko pinapansin kasi malapit na naman sa bahay at nagmamadali na ako. tuloy tuloy sya ng pagsigaw.
trigger: tomi! tomi! tomi!
pagliko sa huling kanto, hinintay ko na sya. hindi ko na alam ang gagawin ko. pagsulpot nya galing sa kanto, akay akay nya ang bunso nyang si poyms. iniisip ko, patay, wala ako ipapakain dito. wala akong kapera pera. nung naabutan na nya ako, sinabi ko na sakanya.
ako: na-hypnotize ako sa bus. walang natira sakin.
tumingin lang sya sakin at di nagsalita. tumuloy nako paglakad papuntang bahay.
pagdating sa harap ng bahay, bukas ang gate. bukas din ang pangalawang gate. kinapa ko agad susi ko, baka nakuha rin. pero pano naman nya nalaman kung san ako nakatira? sa address sa mga id ko? hindi eh, puro provincial address ang andon.
umakyat ako sa hagdan. unang baitang. pangalawa. pangatlo. biglang sumilip si kim, nagluluto sya, may hawak pang sandok at takip ng kaldero.
ako: bat andito ka?
kim: ano ka ba? gabing gabi na. (na parang gusto nya sabihin na maghapon na akong nawawala kaya pinuntahan na nya ako. pero yun lang ang sinabi nya)
.
.
.
naramdaman kong gumalaw ang katawan ko. umikot pala ako sa kama. dumilat. at unti-unti akong bumalik sa realidad. panaginip lang. biglang gumaan ang pakiramdam ko, pero ramdam ko pa rin yung bigat ng dibdib na nadala galing sa panaginip. tuyong tuyo ang bibig ko hanggang lalamunan. basang basa ang leeg ng pawis. parang hindi ko matanggap na bakit hindi ko agad naisip na panaginip lang lahat habang nasa panaginip pa ako. nagagawa ko naman yun madalas. tumingin ako sa orasan. 9:30. mabagal na nagbilang. isang oras. isang oras pa lang akong natutulog. nagmessage agad ako kay kim sa nangyari. tumayo uminom ng tubig. sumindi. at ngayon, isinusulat ko na ito. isa pa, ngayon ko lang naalala, hindi pala delia pangalan nya. dahlia.
naisip ko rin, parang baliktad. hindi ba dapat maghanap ako ng payphone kapag alam ko nang nawawala ang credit card ko? pero naghanap agad ako. hayaan na natin yon.
may ibang kwento pa sa panaginip. mga naunang kwento bago ko pa ihatid si kim sa bacoor. gaya nung nasa bahay ako sa tayabas at karga karga ko si poyms. pero hindi ko maalala ng buo. kaya hindi ko na ikukwento.