Friday, 9 December 2016

araw-gabi

araw-araw kang nagpopost ng mga maka-diyos na litanya. mga pangungusap at pariralang kinokopya mo sa mga online bible. mga bersikulong hindi ka naman sigurado kung tama ang pagkakaliwat o / at pagkakalimbag. "feeling blessed" ka pa ika mo. sa kabilang banda, gabi-gabi kang nagpopost ng mga aktibidad na nauuso. nakangiti ka sa tabi ng nagyeyelo mong bote ng san mig light. o di kaya naman ay naka-PEACE sign ka hawak ang shotglass ng tequila (o emperador kung wala kang pera). may litratong kung tawagin ng matatandang pinoy ay "labas na ang kaluluwa". mga larawan ng walang hanggang pagsasaya. hindi ako labag sa kung anuman ang ginagawa mo mapa-umaga man o gabi. pero naisip ko lang, kung totoong naiintindihan mo, nauunawaan ng lubos, at sumasampalataya ka sa mga pino-post mo sa umaga, hindi ka dapat ganyan sa gabi. kung totoo ngang nauunawaan mo ng taos ang mga litanyang "binabasa" at kinokopya mo para "i-share" o ibahagi sa kaalaman ng iba, dapat naiisip mong lalo ka lang nagkakasala. mas maigi pang pumili ka na lamang ng isa. ang ipaalam sa karamihan na masayahin ka at sunod sa uso. o ang ibahagi sa iba na ikaw ay isang taong kung tawagin nila ay "maka-diyos". kung pagsasabayin mo ang dalawang ideyang magkasalungat, hindi iisipin ng mga makakakita na ikaw ay masayahin o ikaw ay relihiyoso / relihiyosa. iisipin nila na ikaw ay isang mapagpanggap at pinagmumuka mo lang na tanga ang sarili mo.

===============================

October 21, 2013 at 3:05pm