Saturday, 3 December 2016

instruction

(bahagyang base sa isang panaginip noong nakaraang linggo)

DISCLAIMER: all characters are quite fictional. any resemblance to actual persons, living or dead, is somewhat coincidental.


long exam namin noon. as usual sa bandang likuran ako kumuha ng upuan, sa gilid, para anytime, pwede ko iuntog ulo ko sa dingding. tsaka andun si obeng eh. nagreview naman ako, pero as usual din, wala ako matandaan. busy si sir sa pakunyaring pagbabantay. basta nasabi nyang "NO CHEATING", di ko na alam kung may pakialam pa sya. busy kaming lahat sa pakunyaring pagsasagot. sampu ang tanong. isa pa lang nasosolb ko. kasi isa pa lang nakokopya ko kay obeng. paliit nang paliit ang sulat ni obeng na nasa harapan ko. hindi ko alam kung mahaba ba talaga solution na hindi kakasya sa provided na bilang ng papel o china-challenge nya kalabuan ng mata ko. pakunyari akong nag-inat. sinipa ko ng bahagya ang paa ng upuan ni obeng. alam na nya yun. sumenyas sya ng "OK" at "teka lang". wala akong ibang magagawa kundi maghintay. pansampung ulit ko nang nabasa ang mga tanong. wala talaga. so nagsulat na lang ako ng kung anu-anong lyrics sa plastic na armchair. ido-drawing ko sana si vegeta, kaso hindi ako marunong mag-drawing. malamang dino-drawing na ni leo buong pamilya ni goku. gumalaw sa upuan si obeng. may tinitiklop na papel. ibinagsak sa gilid ng dingding sa may likuran ng upuan nya. yun na. pakunyari ulit akong nag-inat. inapakan ang nakatiklop na papel at hinatak palapit sakin. pinulot. pinatong sa answer sheet ko. binuksan. SOLUTION. 2-10!. BINGO! may note sa ilalim.

"WAG MO NA IPASA. TAGO MO NA. TAPON MO AGAD!!!"

walang problema. ooops! may sumipa sa upuan ko. alam ko na yun. nakita siguro ako. si paul, nasa likuran ko. sumenyas ako ng "OK" at "teka lang". mabilis ako magsulat. isa sa pinakamabilis sa klase. niliitan ko rin ang sulat ko. nagtira ako ng isang blangkong papel. kinopya ko ulit lahat para ipasa kay paul. nilagyan ko rin ng note sa ilalim,

"WAG MO NA IPASA. TAGO MO NA. TAPON MO AGAD!!!"

pinasa ko na, obeng-style. sa gilid sa likuran. ayos na ko. tinupi ko ng mas maliit yung binigay sakin ni obeng. siningit ko sa sneakers ko. ok na. pass the papers na. class dismissed na. nag-cr ako sa ibang floor ng building, sa cr ng ibang department. dun ko tinapon yung papel.

next subject. sya pa rin ang prof. kasalukuyang nag-iingay ang klase nang pumasok si sir. may dalang isang pirasong papel. nakatiklop. itinaas nya.

"sa papel na ito, nakasulat ang lahat ng solution sa exam natin kanina, mapwera sa number 1."

kinakabahan na ako.

"hindi ko alam kung bakit hindi pa ito kinumpleto. mayron akong hindi alam na hindi ko na malalaman. yun ay kung kani-kanino na dumaan ang papel na ito. mayron din akong hindi alam pero malalaman ko din. pwede kong ikumpara ang handwriting sa papel na ito sa lahat ng test papers nyo kanina para malaman kung sino ang nagsulat nito."

kabadong-kabado na ako. sulat ko yun. sa sobrang pangit ng sulat ko, ako lang ang ganun kapangit magsulat sa klase.

"kung aamin ngayon ang may-ari ng papel na ito, sya lang ang ibabagsak ko. kung hindi sya aamin, na malalaman ko rin kung sino sya mamaya, ibabagsak ko ang buong klase mapwera sa kanya. bibigyan kita ng isang minuto para umamin. alam mo kung sino ka."

tahimik ang lahat. nakatungo lang ako. diko alam kung sinu-sino pa ang nakatungo. paboritong corduroy na pantalon ko lang nakikita ko.

may isang nagsalita, "guys, umamin na yung aamin para di na madamay lahat."

taena ka, epal ka talaga E(bleeeep!)
sakin yung papel. tinapon ko yung kay obeng sa cr ng IE. sakin yun. aamin na ko. aamin na ko.

pero nakita kong magtataas na ng kamay si obeng. nangangalahati na sya nang bigla kong sinipa ang upuan nya. sampung beses ang lakas kumpara sa pagsipa ko sa upuan nya nung humihingi pa lang ako ng sagot. gulat syang napatingin sa akin. bahagya akong umiling, pahiwatig na wag syang magtaas ng kamay. lahat ay nakatingin sa akin. nagtaas ako ng kamay. nangangalahati pa lang ako nang may sumipa sa upuan ko sa likuran. mas malakas pa sa pagsipa ko sa upuan ni obeng. si paul. sabay taas sya ng kamay.

nagsalita si sir, "kayong tatlo, sumama kayo sa opisina ko. ikaw naman leo, may nawawala ba sa gamit mo?"

"sir?", tanong ni leo.

"may nawawala ba sa gamit mo?"

"wala naman sir.", nakangiti syang sumagot.

"sumama ka rin sa opisina ko, napulot ko notebook mo."

apat kami sa opisina ni sir, panlima sya. nagumpisa na ang tanungan. inabot muna ni sir ang nawawalang notebook ni leo sa kanya at sinabing, "dito ka muna." namumula si leo, hindi ko alam kung bakit. siguro dahil baka madamay sya. nagtataka pa rin ako, bakit nagtaas ng kamay si paul? hindi ba nya tinapon yung papel ko? baka pinasa pa nya sa iba. baka ayaw nya malaman ni sir na sulat ko yun kaya aamin na lang sya.

sir: "kayong tatlo, bakit nagtaas kayong lahat ng kamay? ano, nagtatakipan pa kayo? ipaliwanag nyo nga!"

ako: "sir, sakin yung papel na hawak mo." tinapik ko hita ni obeng. di sya nagsasalita.

paul: "hindi sir, sakin yun."

sir: "kanino ba talaga? tingnan nyo nga kung kaninong sulat to?", sabay abot ng papel.

diko sulat to. sulat to ni paul. asan na yung papel ko? gumawa ulit si paul ng panibago? kanino nya to binigay?

sir: "so kay paul pala to. eh kayong dalawa, bakit nagtaas kayo ng kamay?"

ako: "ganito kasi yan sir, si obeng ang unang nagbigay sakin, pero nilagyan nya ng instruction sa ilalim na wag ko ipapasa, na itago ko na at itapon ko agad. para magawa ko yun sir at mabigyan ko rin ng sagot si paul, gumawa ako ng panibagong papel sir. yun ang binigay ko kay paul. nagtaas ng kamay si obeng kasi po akala nya pinasa ko pa yun papel nya, nagtaas naman po ako ng kamay kasi hindi ko alam na gumawa pa ulit ng bago si paul, kala ko pinasa pa nya papel ko. yun po."

sir: "ah ok. malinaw na. so pano ngayon to? paul, kanino mo naman to pinasa?

paul: "kay leo po."

sir: "o leo, baka naman gumawa ka pa ulit ng bago?"

leo: "hindi sir.", nakangiti na naman sya.

sir: "ganito na lang, naiintindihan ko na sinasalba nyo ang isa't isa. so kung sino na lang ang hindi sumunod sa instruction, sya lang ang ibabagsak ko, ok?"

(WAG MO NA IPASA. TAGO MO NA. TAPON MO AGAD!!!)

sir: "pato, ipinasa mo ba yung papel ni obeng?"

ako: "hindi po."

sir: "itinago mo ba?"

ako: "opo."

sir: "tinapon mo ba agad?"

ako: "opo."

sir: "paul, ipinasa mo ba yung papel ni pato?"

paul: "hindi po."

sir: "itinago mo ba?"

paul: "opo."

sir: "tinapon mo ba agad?"

paul: "opo."

sir: "leo, ipinasa mo ba yung papel ni paul?"

leo: "hindi po."

sir: "itinago mo ba?"

leo: "opo."

sir: "tinapon mo ba agad?"

leo: "hindi po."

sir: "san mo tinago?"

leo: "sa notebook ko po."

sir: "anong nangyari sa notebook mo?"

leo: "nawala sir."

sir: "sinong nakapulot?"

leo: "ikaw sir.", pangiti nyang sagot.

sir: "so lumalabas, si leo lang ang hindi sumunod sa instruction? tama ba?"

walang nagsasalita. ibabagsak nya si leo.

sir: "tama ba? sumagot kayo!", sabay hampas sa lamesa nya.

"YES SIR!", sagot naming lahat. ibabagsak nya si leo.

"MALI!!!", pasigaw na sabi ni sir. sabay sinundan ng, "DI BA SABI KO SA INYO, NO CHEATING?!"

ayun. bagsak kaming apat.

===============================

October 14, 2013 at 9:52am